Monday, September 28, 2015

Trending Hashtag

Hindi ko nga alam kung ako ay matutuwa,
Sa bawat pagbukas ng facebook account ay ang laging nakikita,
Labanan sa pagitan ng dalawang magsing irog na di nagsasalita,
At babaeng Pastillas naman na pangtapat ng istasyon sa kabila.

Ito siguro ang panandaliang solusyon sa problema ni Juan,
Na magkaroon ng dibersyon na mapaglilibangan,
Ngunit sana maitrending din ang paglaban para sa soberenya,
Ng ang Inang Bayan sa mga dayuhan di na naman masamantala.

Hindi ba at ang buhay ng ating mga bayani ay inialay,
Para sa kalayaan na ngayon ating taglay,
Ngunit sa kanila ba ay may nakakaalala?
O maski pangalan nila sa atin ay limot na?

Alam ba natin na ang ating karagatan ay malapit ng makuha?
Ng mga naghahahariang mga nilalang na  nasa Tsina?
Na ang mga produktong binibili natin mula sa kanila,
Ay siyang pinambibili ng panlaban sa ating mga bala?

Ang sa akin lang ay hindi naman masama,
Na sa matuwa sa pagsikat ng iba,
Ngunit sana rin ay bigyang puwang,
Mga mahalaga rin na para sa bayan.

Bakit hindi rin bigyan ng kahit isang araw?
Na ipagbunyi ang lahi at maging isang tanglaw,
Ng makita rin ng mundo ang tunay na kalagayan ni Juan,
Na hindi papayag na muling tapakan ninuman.

#AllForJuan

Saturday, September 5, 2015

Panahon ng paglaban

Palagi na lang sa akin ay palaisipan,
Kapag nagsalita kami ang sabi'y kabastusan,
Ang pagiging tama ba ay bunga ng katandaan?
O ito ay ginagamit lamang para pagtakpan ang kamangmangan?

Prinsipyong tinuturing hindi ba at dapat ipaglaban?
Kahit ito ay sinusukol ng mga gusto ay kapangyarihan,
Sapagkat ang dangal ay mas mahalaga sa kayamanan,
At ito ay hindi basta nananakaw nino man,

Dapat bang maging bulag sa gawaing kasamaan?
Kung ito ay kayang magapi sa kagustuhang lumaban?
Sana ay intindihin na ang hangaring tuwid,
Ay sa kaloobang wagas at sa edad hindi batid,

Kapag inapi ay dapat tumayo,
Bunga man nito ay sa krus maipako,
Sapagkat kapag katauhan ay sadyang inapakan,
Kahit ang mahina at tahimik ay sadyang lalaban,

Kapag boses ay ipinagkait sa nakitang mali,
Mas higit na kasalanan kaysa ikaw ay kasali,
Sapagkat ang layunin ay pagkabaluktot ay maituwid,
Hanggang sa kakayanin katawan man mamanhid,

Dapat katakutan ang mga taong mahihina,
Sapagkat kalakasan sa kanila ay tago pa,
Tandaan na kailan man ay hindi magagapi,
Ang mga taong ang tanging kagustuhan ay maituwid ang mali.